Monday 27 April 2015

Story: Takbo by Charity Oro



Takbo

By Charity Oro

Noong ako'y isang sanggol pa lang, hindi ako marunong tumakbo. Una akong natutong dumapa, pagkatapos ay natutong gumapang. Di naglaon ay natutunan kong umupo, tumayo, at lumakad. Masayang maglakad. Nakakapunta ako sa kung saan saan dahil marunong akong lumakad. Ilang beses din akong bumagsak, pero masaya pa rin dahil marami akong napupuntahan. Ngunit mabagal ang paglalakad. Nagkaroon ako ng nais na makarating sa patutunguhan ko ng mabilis. Kaya naman ay unti-unti kong binilisan ang aking paglakad. Unti-unti, ako ay natutong tumakbo.

Habang ako'y lumalaki, nag-iiba ang gamit ko sa pagtakbo. Noong ako'y musmos pa lang ay ginagamit ko ang pagtakbo sa pagtakas kay inay. Gusto ko kasing kunin ang kung anu-anong bagay at sila'y pag-aralan. Ngunit natatakot si inay na baka malaglag, o masira ko ang mga bagay na iyon. Nang ako'y naging paslit, tumatakbo ako para takasan ang kapwa ko paslit. Ayaw ko kasing maging taya. Minsa'y nagagamit namin ang pagtakbo para sa pagtakas sa ale na kapitbahay namin. Minsan kasi ay naglalaro kami sa bakuran nila at madalas ay may mangyayari na ikagagalit nya. Nang makatuntong ako sa mataas na paaralan, nagagamit ko ang pagtakbo sa pagpasa ng mga proyekto at takdang aralin. Kapag nahuli kasi kami sa pagpasa ay tiyak na hindi na tatanggapin ng guro namin iyon. Nagagamit ko rin ito sa palakasan; masarap palang maka-puntos sa mga larong sikat. 

Pagdating sa kolehiyo, tumatakbo ako upang mapanatili ang lusog ng aking katawan. Tumatakbo rin ako upang kahit panandalian lamang ay mawala sa aking isipan ang mga bagay na nagbibigay sa akin ng sakit ng ulo. Tumatakbo ako papunta sa aking matalik na kaibigan kapag may problema. Tumatakbo ako palayo sa mga bagay na hindi ko kayang harapin. Tumatakbo ako palayo sa kasamaan. Tumatakbo ako tungo sa aking mga pangarap. 

Minsan ay may dumating. Tumatakbo rin. Tumigil para makipag-usap kaya ako'y napatigil din. Biglaan kung dumating, kaya't biglaan din kung umalis. Nang siya'y umalis nalimutan ko kung paano tumakbo, kaya pinanood ko na lang na lumayo. Nang ako'y natauhan ninais kong maulit muli ang sandali na nagsalubong at tumigil, kaya tumakbo ako upang habulin; naghahangad na maabutan. Minsan ay nasasabayan ko sa pagtakbo ngunit ang hangad ko ay ang tumigil saglit at mag-usap. Di nagtagal ay napagod din ako, may sarili rin akong lakabayin at kailangang takbuhin. Kaya ako'y tumalikod at tumakbo palayo. Minsan ay nakakasalubong ko ang minsa'y dumating, ngunit hindi nya ako nakikita dahil may sarili siyang dapat takbuhin. Madalas ay lilingunin ko siya at pagmamasdan ang likod nyang palayo ng palayo. Sa mga sandaling hindi ko siya nililingon ay napapaisip ako kung nililingon nya rin ako. Sa kabila ng lahat ay kailangan ko pa ring takbuhin ang dapat kong takbuhin, ako'y natakot tumigil dahil baka hindi na makatakbo ulit. Ayaw ko na kasing muli akong maiwan. Ayaw kong muling mag-isa sa mundong puno ng mga taong tumatakbo.

0 comments:

Post a Comment