Ilusyon
by Maxine Prado
Walong hakbang papalayo sa 'yo, ay walong di papapalayo sa
mga bisig mo.
Ito muna ang distansyang maaring ilapit ko sa iyo sa ngayon.
Walong hakbang, walong dipa. Ngunit sa aking isipan, salungat sa katotohanan.
Sa gunita ng aking ilusyon, nagdadampi ang ating mga palad—ang ating mga bisig,
ang ating mga labi.
Sa aking isipan...
Nararamdaman ko ang init ng iyong katawan. Naririnig ko ang
mapayapang dagundong ng iyong puso. Nasisilip ko sa pagitan ng ating hininga ang
damdaming pilit nating ikinubli na ngayo’y napagbigyang mailantad. Walang tigil tayong nakikipagsabayan sa siklab
ng pagkakataong narito—ilang segudo, ilang minuto. Ngunit nadaig tayo ng oras,
higit sa lahat, ng katotohan ang tayo’y nakakulong sa ilusyong tila nabigyang-buhay.
Ilusyon lang ang lahat—ganito lang dapat natin ituring ang
ating mga damdamin sapagkat gaano man kagusto ng nag-uusap nating kaluluwa na maangkin
ang pagkakataon, hindi maaaring mapahintulutan.
Sa ilusyon na lamang tayo mag-usap at dito mo na rin ako
hagkan at halikan. Doon nama’y tayo’y nagkakaintindihan. At doon nama’y tila ang
lahat ay malinaw. At doo’y natatakasan natin ang masaklap na katotohanan.
Kung anuman ibig kong
sabihin, magkita nalang tayong muli—sa ilusyon ko na lamang babanggitin.
***
0 comments:
Post a Comment