Saturday, 25 April 2015

Poetry: Para sa Isang Rebolusyonaryo by Roberto Miguel Rañeses



Para sa isang Rebolusyonaryo
ni Roberto Miguel O. Rañeses

naaalala mo pa ba,

noong tayo’y mga musmos pa

na puno ng saya’t walang pinoproblema
naglalaro’t natutulog na walang inaalala?


naaalala mo pa ba,
noong ating pinagpalit ang mga laruan at habulan
para sa kwaderno, libro’t paaralan
at unang namulat sa problema’t pagdaralita?

naaalala mo pa ba,
noong tayo’y nasa isang rally
para sa kalayaan at katarungan
at tayo’y nangakong walang iwanan sa isa’t isa?

naaalala mo pa ba,
noong tayo’y nasa gitna pa ng labanan,
ika’y yumakap at kumapit ng mahigpit,
na tila ba hindi na tayo magkikita ng muli?

naaalala mo pa ba ng lahat ng ito,
ngayong ako’y muling maglalatag
ng isang makulay na pumpon
sa iyong kupas na puntod?


0 comments:

Post a Comment