Ang Pamilya
sa Dalampasigan
Vincci Santiago
Sumikat na ang araw sa Barrio Nahiling
pagkatapos ng pananalasa ng bagyo. Natagpuan ni Amy si Tikboy na naglalakad sa
dalampasigan. Sa pagitan ng mga nagkalat na bali-baling kahoy at sanga na
inanod pa ng bahang rumagasa mula sa kabundukan, mga pira-pirasong kabibe, mga
patay na isda, mga kinakalawang na lata ng gatas at mga balot ng sitsirya,
mabagal na iniaapak ni Tikboy ang maliliit at magagaspang niyang paa sa
buhangin.
Tumakbo si Amy
kay Tikboy at niyakap ito nang mahigpit. Humagulgol ang babae at pinupog ng
halik ang maputik na buhok, noo, at pisngi ng bata. Sa pagitan ng mga hikbi at
halik ay tinatanong ni Amy kung saan naglagi ang bata noong kalakasan ng bagyo,
at kung bakit hindi pa ito umuwi pagkatapos pumanhik sa bundok para manguha ng
panggatong. Ngunit, nanatiling walang-kibo at tulala ang bata.
Lumuhod si Amy
sa harap ni Tikboy. Niyugyog niya ito at sinigawan. Subalit natigilan ang babae
nang makitang may nagbago sa mata ni Tikboy. Itim na ang mga ito. Walang
gahiblang mga ugat, walang puting namumula kapag kinusot, itim lahat.
Patuloy na
tinitigan ni Amy ang mata ni Tikboy. ‘Di niya malaman kung bunsod lamang ng
pagod at pagkayanig sa mga nakalipas na pangyayari ang nakita niyang
unti-unting nagbabago sa itim na mata ni Tikboy. Nakita niyang nabubuo sa itim
na mata ng bata ang imahe ng isang babaeng nakabulaklaking duster, may kulot at
maitim na buhok, at namumugto ang mata. Napanganga na lamang si Amy.
Ilang sandali
pa ay may nabubuo sa likuran ng babae-sa-mata na dalampasigang tulad ng
kinatatayuan ni Amy at Tikboy. Lahat ng kahoy at sanga, kabibe, patay na isda,
lata ng gatas at balot ng sitsirya, naroroon din. Naroroon din ang payapa nang
dagat at tirik na araw sa tanghaling-tapat na iyon. Napako si Amy sa puwesto niya
sa harapan ni Tikboy. Tumigil na ito sa pag-iyak at nanatiling nakatitig sa
bata, nakanganga.
Sa ganoong
estado sila nakita ni Gardo. Ibinagsak ni Gardo ang hawak niyang lambat at
tumakbo papalapit kina Amy at Tikboy. Ikinulong ni Gardo ang bata sa malalaki
at namamawis niyang bisig. Ganoon din ang mga tanong ni Gardo - kung saan
nagpunta ang bata, kung bakit hindi pa ito umuwi agad. Subalit, bigla na lamang
itong tumigil nang magkatamaan sila ng tingin ni Amy.
Lumipas ang
ilang oras at dumami ang mga taga-Barrio Nahiling na naglalakad sa dalampasigan
– naghahanap ng mga maaaring masalbang ari-arian, naghahanap ng mga
katawan. May ilan sa kanilang naglakad
papalapit kina Tikboy, Amy at Gardo - nagtataka kung bakit sabay-sabay na nakayukong
naglalakad nang paikot-ikot ang pamilya sa dalampasigan.
0 comments:
Post a Comment