Monday, 27 April 2015

Poetry: Putahi by Chad Patrick Osorio



Putahi
 by Chad Patrick Osorio

Sabi ng Nanay ko, kung hindi na daw ba siya masarap
Umiiyak siya ng tinanong niya iyon kay Itay
Nagbitiw si Itay ng ilang salita at tumahimik na si Nanay.


Nang gabing iyon, tumabi si Nanay sa aking pagtulog
Hawak-hawak ang aking ulo at humihikbi
Maalat ang kanyang mga luha.

Kinabukasan ay dumating sa bahay si Miranda
Maganda siya, at magara ang maiikli niyang mga damit
Ngunit waring may tinatagong asim ang kanyang pabango.

Simula noon ay magkatabi na kaming matulog ni Nanay
Sikip man sa aking maliit na higaan,
mainit at matamis naman ang aking mga panaginip.

Mahal ako ng Itay ko, sabi niya
Tita daw ang itawag ko kay Miranda
Nasamid ako sa iniinom kong tubig.

Ilang buwan ang lumipas, at naubusan na ng anghang si Miranda
“Di na ba ako masarap?” wika niya, umiiyak
Kinaumagahan, dumating si Cecile
Nakangiti na lang ang Nanay ko.

Sabi ng Lola ko, iba ang pait ng buhay
Lalo na sa mga babae, na sinisipsip ang kanilang linamnam
ng Haring Panahon, hanggang sila ay matuyo, pagsawaan at itapon.

Buti na lang lalaki ako.

0 comments:

Post a Comment